Asylum
Ni Nathaniel Cachero ng III – Magnesium
Haaay, Nasaan na ba ako?
Ay, andito pa rin pala, nahihilo
Walong buwan na palang naghihintay
Na masikatan ng liwanag ng araw
Ang kabilang bahagi ng buwan na di nakikita
Tila bilanggo pero wala sa selda
Di nakaposas at bukas ang pinto
Ngunit ayaw lumabas o tumakas
Mas masaya rin siguro pag sinundo
Tila isang lumang gulong
Na pabigat sa iyong bubong
Naghihintay liparin ng bagyo
Di naman dumadating ang tatangay sakin
Mula sa bahay na kaytagal tinayo
Naiwan ring magisa at lahat nawala
Naaalala pa nang nasa akin
Wala nang kulang, talagang mayaman
Hawak ang araw, sinasalo ang ulan
Ako ang nagkulay
Sariling daliri ang ginamit
Kaya siguro napudpod
Binigay lahat at lahat nawaglit
Di naman sa ako ay galit
Ang akala ko lang ay babalik
Nangako na ika’y susunod
Kaya ikaw ay hinihintay
Sa kanluran na sumikat ang araw
At sa aking utak ang buwan nakatatak
Di makaisip ng ayos, parang wala na
Di makakita, manhid na
Alam ang gagawin, di ginagawa
Di makarinig, pilay na ata
Alam ang makakabuti, ayaw layuan
Di makalakad, bingi na ata
Sa lahat ng nawala, ito ang natira
Sakit nanatili, bulag na ata
Marahil ikaw ay nalalabuan
Iniisip na ako ay malabo
Di naman totoo, di mo lang ako makita
Kahit anung salamin di na ata gagana
Upang ako ay makita at maintindihan
0 Comments:
Post a Comment